Bahaghari
- anon
- Feb 13, 2021
- 1 min read
Ako ay dumating sa Buhay Mo
Dala-dala ang krayola na pula
Handa nang kulayan ang mistulang abo mong pagkatao
Kahit hindi mawari ang kung ano ang siyang mapapala
Kislap ng iyong mga mata
Mga labing halos mapunit sa pagngiti
Mga tawa na animo'y musika sa aking mga tainga
Sa pagkulay saiyo ng pula—ako nga'y nagwagi
Ako'y natutuwa tuwing ang iyong ngiti'y nasisilayan
Masasabi kong "ako sayo'y naging kuntento"
At sa pagkakataong luha mo'y mapagmasdan
Tila unti-unting napudpod ang krayolang pula na dala ko— paano na ba ito?
Panahon ay mabilis na lumipas
Mga bagong taong kukulay sayo'y natagpuan
"Anong malas nga naman" ang tangi kong nabigkas
Ngayo'y sila na ang nagkulay saiyo nang tuluyan
Dalandan na nagpapagaan ng nararamdaman
Dilaw na lalong nagpatingkad sa iyong ngiti
Berde na nagpamalas sa iyo kung paano pahalagahan
Asul na walang ibang hinangad kundi sayo'y maging bahagi
Indigo na itinutulak kang gawin ang gusto mo
At ang Lila na siyang nagbigay sa iyo ng tunay nakalayaan
Sila ang iba pang naging parte ng iyong pagbabago
Mga naging kahati ko sa iyong kabuoan
Pula, dalandan, dilaw, berde, asul, indigo at lila
Mga kulay na tuluyang nagpaliwanag sa pagkatao mo
Ngunit tanging hangad ko lang ang makita kang masaya
Kahit hindi nalang ako ang nagkulay sa mundo mo
Sa lahat ng ito isa lang ang habilin ko sa iyo
Katulad ng bahaghari sa langit,
Kahit gaano man kalakas ang ulang dadaan sa buong mundo,
Tumayo ka at sumibol muli— dahil iyang pait at pasakit ay dadaan lamang saglit
Comments