top of page

Higit pa sa Siyam na Buhay

Updated: Sep 30, 2020

May isang bagay akong hindi nasabi sa kaniya. Hindi ko na nabanggit. Masyadong malabo na ang kinahantungan ng usapang iyon. Hindi kapani-paniwala. Parang nagkrus ang landas ng imahinasyon at katotohanan. Parang hindi naman talaga nangyari. Parang wala naman talagang naging usapan. O baka ngayon ko lang talaga naiisip ang mga bagay na ito. Ngayong hindi puwedeng lumabas at nag-iisa. Ngayon, ngayong tapos na. Ngayong malaya ko nang isipin ang mga naganap. Ngayong nakahiga na’t nakatitig lang sa kisame. Ngayong gumagala ang isipan.


Hindi ko malimutan ang nangyari no’n. Naaalala ko pang nag-iimpake ako ng mga gamit kong isasama ko sa pag-uwi sa probinsya nang pumasok siya. Hindi ko na alam ang tunay na kulay ng suot niyang damit dahil sa kapal ng duming nakayakap sa kaniya. Mabuti nga’t hindi katulad ng damit niya noong nakaraang buwan, halos makita ko na ang ilang bahagi ng katawan niya sa mga butas sa damit. Ang buhok niyang hindi na nasusuklayan ay kung saan-saang direksiyon na gustong pumunta. Tumayo lang siya ro’n, diretsong nakatingin sa mga mata ko ̶ may gustong sabihin.


“Ngayon na pala ang alis mo.”


Tumango lang ako, hindi alam ang sasabihin. Hindi alam kung bakit siya naririto gayong hindi nga kami nag-usap ni isang beses sa itinagal ko sa inuupahan kong bahay rito sa Maynila. Magbibigay lang ako ng pagkain kapag nakita ko siya sa kung saang parte ng kalye. Titingnan niya lang ako at saka tatanggapin ang ibinigay ko. Pagkatapos ay aalis siyang parang walang nangyari. Isang normal na araw lang nga naman para sa kaniya. Hanggang doon na lang ‘yon.Kaya hindi ko alam kung anong pakay niya ngayon.


“Magsusulat ka pa rin ba?”


Hindi ko alam kung paano niya nalamang nagsusulat ako. Wala naman akong nabangit, sa pagkakaalam ko. “Oo naman. Uuwi lang naman ako dahil ayaw kong tumigil dito sa Maynila. Hindi ko pa naman alam kung anong mangyayari kung magkaro’n ng virus dito sa Pilipinas. Pinayagan naman ako ng boss kong umuwi muna. Kung hindi maging maayos ang lahat baka sa bahay na ako magtrabaho. Magsusulat pa rin ako, at magbabasa na rin syempre.”


“Mabuti naman kung gano’n,” nakangiti niyang sambit. Nakatingin siya sa paa niya, magkayapos ang mga kamay at hindi malaman ang gagawin. Ilang sandali pa bago siya dumukot sa kaniyang bulsa at naglabas ng bagay na ikinagulat kong muling makita. “Heto, ibabalik ko na sa’yo. Natapos ko na rin naman noong isang araw lang,” sabi niya at saka iniabot sa akin ang librong hindi ko na matandaan kung kailan ko ipinahiram sa kaniya. Nagtagal lang ang tingin niya noon sa librong hawak ko nang isang beses akong magbigay ng pagkain sa kaniya. Isang kabanata na lang ang babasahin ko bago ko matapos ang librong iyon kaya ibinigay ko na rin sa kaniya. Ibalik na lang kapag natapos siya, sabi ko. Hindi ko naman talaga alam kung marunong siyang magbasa ngunit kinuha niya kaya baka may nalalaman siya. Isa pa, may kakayahan ang librong ikonekta ang nilalaman niya sa kung sinong magbubuklat nito.


“Kumusta naman?” natutuwa kong tanong habang inilalagay ko sa bagahe ang librong ibinalik niya.Natutuwa ako kapag may mga taong nagbabasa, lalo na kapag nabasa ko na rin. Pakiramdam ko matagal ko na silang kakilala. Parang mga kaibigang kilala ako mula sa labas hanggang sa loob.


Lumiwanag ang mga mata niya nang itanong ko iyon. Nalalaman naming dalawa na hahaba ang usapang ito. Gano’n ang koneksiyon ng mga nagbabasa ng parehong libro. “Maganda! Hindi ko inasahan ang mga pangyayari. Nagugulat ako palagi!” Nagpatuloy ang usapan naming tungkol sa libro. Inisa-isa at inalisa namin ang mga nangyari, ang mga karakter at ang ikot ng kuwento. May biglang nagbago sa pakikitungo namin sa isa’t isa habang tumatagal ang pag-uusap namin no’n. Naguho ang pader na nakapagitan sa amin, gumaan ang hangin.


“Grabe, Mark, ano? Iba talaga ang pakiramdam kapag nagbabasa. Ngayon ko na lang ulit naramdaman ‘yon. Ang tagal na rin mula nang nakapagbasa ako. Highschool pa yata ako. Nagsusulat-sulat din ako no’n.” Hindi ko alam na nakapagbabasa na siya ng libro at nakapagsusulat na pala siya noon. Nakakalungkot isiping natigil ito dahil sa kung anumang nangyari sa kaniya. Nakangiti siyang tumingin sa kawalan, hinahaplos ng kasiyahan. Napangiti rin ako. Nang mga pagkakataong iyon nakita ko ang sarili ko sa kaniya. Gano’n din ako kapag natatapos magbasa. Ninanamnam ang naganap kahit pa tapos na. Hindi ka iiwan ng libro matapos mong isara ito. Palaging nananatili.


“Mabuti’t nakapagbasa ka nang maayos. Hindi ka ba nahirapan dahil sa ingay ng kalye?”


“Naku, hindi. Isa ‘yon sa kagandahan ng pagbabasa. Maaari mong patayin ang ingay habang nalulunod ka sa mga salita. Hindi ba’t ang galing? Gumagalaw ang mundo natin, magulo, pero ikaw nando’n lang sa sulok at nagbabasa. Hindi alam ng mga taong nasa paligid mong gumagawa ka na ng sarili mong mundo. Syempre, mas gusto ko pa ring magbasa sa tahimik na lugar pero wala naman akong magagawa. Saan naman ako pupunta? Isa pa, hindi naman ibig-sabihin na magulo ang paligid mo ay hindi ka na makakaramdam ng pag-iisa. Sanay na ako ro’n. Puwede kang mapag-isa kahit pa pinalilibutan ka ng maraming tao.


Hindi ko alam kung malulungkot ako o mamamangha sa kaniya.


“Kagila-gilalas talaga ang mahika ng pagbabasa, hindi ba?”


“At ng pagsusulat. Hindi puwedeng ihiwalay ang pagbabasa at pagsusulat, Mark. Konektado ang dalawang ‘yon. Anong silbi ng pagbabasa kung walang pagsusulat? Anong silbi ng pagsusulat kung walang pagbabasa? Para sa akin, ang pinakamakapangyarihang mahika ng dalawang ‘yan ay ang kakayahan nitong baguhin tayo. Ibang tao ka bago mo buksan ang pahina ng libro at bago mo ilapat ang panulat sa papel, at ibang tao ka pagkatapos mong basahin ang huling salita ng libro at pagkatapos mong isulat ang huling tuldok sa papel. Para kang isang damit, madungis ka bago ka ilagay sa washing machine. Kapag nasa loob ka na, paiikutin ka ̶ parang inaalam kung sino ka. Pagkatapos, kapag binanlawan at piniga ka nang maigi, iba ka na. Mas malinis. Mas maayos.”


Hindi ko inakalang lumabas ang mga salitang ‘yon sa bibig nitong kaharap ko. Nagbago na lang din ang tingin ko sa kaniya.


“Mga libro ang pinakamisteryosong bagay na nahawakan ko. Hindi ko alam kung anong itinatago ng mga iyon bago ko sila buklatin. Palagi akong gugulatin ng mga nilalaman ng aklat dahil palagi itong may itinatago. Tama ka, babaguhin at babaguhin ka ng pagbabasa’t pagsusulat. Ngunit bukod do’n, lahat ng malalaman mo ay responsibilidad mo. Hindi maiiwasang baguhin ka ng pagsusulat at pagbabasa, oo. Lalong hindi mo maiiwasang masugatan sa mga malalaman mo. Hindi ka makalalabas nang basta-basta lang, Jepoy. Bago ka mabuhay muli ay kailangan mong masugatan. Mag-ingat, marami kang malalaman. Ang pagbabasa’t pagsusulat ay mga mata ̶ mas malinaw, mas nakakakita. Kung anumang bagay ang makita mo mula sa mga matang iyon ay responsibilidad mo na. Ikaw ang responsable sa kung paano mo ito dadalahin. Kung paano mo ito gagamitin. Alam mo, Jepoy, pagbabasa ang dahilan kung bakit nasa linya ng pagsusulat ang trabaho ko. Gusto kong maiparamdam sa iba kung anong naramdaman ko mula sa mga manununulat na kinahiligan ko. Mga manunulat ang nagbigay ng karagdagang buhay sa akin. Gusto ko ring magbigay ng buhay.”


“Gusto ko ring magsulat,” sabi niya habang nagmamasid sa bintana ng kuwarto. “Gusto kong ilabas ang lahat ng nakatagong ginto sa loob ko.”


“Bakit hindi? Walang makapipigil sa panulat na nagwawala, Jepoy, kundi ang sarili. Hindi ang lugar. Hindi ang katayuan sa buhay. May mararating ang panulat mo, maubos man ang tinta.Tatlumpu’t apat na taong gulang na ako. Mas bata ka pa kaysa sa akin.”


”Susubukan ko,” aniya. Ilang tao pa kaya, naisip ko, ang magpapatuloy magbasa at susubok na sumulat? Ilang tao pa ang handang mabuhay nang maraming beses sa kaalamang masusugatan at mauubusan sila ng tinta? “Oh, sige na, Mark. Baka gabihin ka pa sa byahe. Lumakad ka na.” Hindi ko napansing napahaba nga talaga ang usapan namin. Sulit naman. Mas nakilala ko pa ang estrangherong ito. Bago siya umalis ay ibinigay ko sa kaniya ang tatlong librong tapos ko na ring basahin. Binigyan ko siya ng ballpen at papel, para makapagsimula sa pagsusulat. Nasa pintuan na siya nang lumingon at ngumiti. “Salamat, Mark. Hindi ka na siguro babalik.”


“Bakit mo naman nasabi?” Nagkibit-balikat lang siya at saka tuluyan nang umalis. May gusto pa sana akong idagdag pero ipinagsawalang bahala ko na lang. Umalis na rin akong mabigat ang dibdib at umuwi sa probinsya ilang sandali pagkaalis ni Jepoy.


Dalawang buwan ang nakalipas at nabalitaan ko na lang mula sa kapitbahay sa Maynila na patay na raw si Jepoy. Patay. Nanlamig ako. Hindi ako makapaniwala. Bakit naman siya mamamatay?Ang sabi raw ay nakita siya sa may tulay, hindi na humihinga, may mga saksak. Wala akong maisip na dahilan kung sino at bakit iyon ginawa sa kaniya. Hindi ko lang maalis sa isipan ko na mag-isa siyang nawala. Mag-isa.


Bigla kong naalala ang gusto kong sabihin sa kaniya no’n. Na hindi lang ang pagbabasa’t pagsusulat ang hindi puwedeng paghiwalayin. Nakadikit ng dalawang iyon ang pag-iisa.Walang saysay ang pagbabasa at pagsusulat kung hindi mo kayang mag-isa, kung hindi mo kayang ihiwalay ang sarili mo sa maingay na mundo. Naalala ko ang mga kuwentong maisusulat niya pa sana gamit ang mga ginto sa loob niya. Mababasa ko pa sana ang mga mundo niya. Pero, kahit papaano, nabasa ko naman siya, hindi ba? Mas nakilala ko siya lampas pa sa kung ano ang ipinakita niya. Mas nakilala ko siya lampas pa sa maduming damit. Lampas pa sa madungis na balat. Lampas pa sa aninong nakaupo lang sa sulok ng kalye’t nagmamasid. Lampas pa sa pag-iisa niya. ‘Yon naman ang mahalaga. ‘Yon lang naman ang mahahawakan ko.


Tama siya, sa isang banda, hindi na nga ako babalik. Sa mga binasa at babasahin ko pang mga libro, sa isinulat at isusulat ko pang mga kuwento, sino na nga ba ako?


Nang makita ko ang butiki sa kisameng nakikipagtitigan sa akin, tumayo na ako at pumunta sa bagahe kong hindi pa nabubuksan. Kinuha ko ang librong ipinahiram ko sa kaniya noon. Tinapos ko ang huling kabanata. Isasara ko na sana ang libro ngunit nakuha ng pansin ko ang mga letrang nakasulat sa huling pahina.


“Marami akong buhay, higit pa sa siyam. Bakit naman ako mamamatay?”


Recent Posts

See All
Takot. Lungkot. Bangungot.

Tahimik ang buong paligid. Magulo ang kwarto. Lumuluha akong nakatayo sa isang upuang kahoy na inaayos ang higpit ng pagkakabuhol ng...

 
 
 
Kaya ko kaya?

Natatakot, nasasabik at kinakabahan samut-saring emosyon ang nararamdaman habang nasa harap ng salamin suot ang malinis na uniform, “Kaya...

 
 
 

Comments


© 2020 by LSHS Campus Journalism
bottom of page