QuaranTWIST: Halloween Ngayong Quarantine
- Mikel
- Sep 30, 2020
- 2 min read
Biyernes, isang normal na araw sa akin ngayong quarantine - kakain, matutulog, manunuod ng paboritong kdrama, ganoon lamang ang naging siklo ng buhay ko sa loob ng halos limang buwan. Nakakatamad at nakakabaliw pala kapag paulit-ulit ‘yung ginagawa mo sa araw-araw at iyan ang rason kung bakit umaasa ako sa pagdating ng aking ‘quarantwist’ (plot twist ng quarantine).
“Nakaka-boring ngayong quarantine ‘no? PM mo ako kung na-bo-boring ka rin,” iyan ang content ng aking status na ibinahagi ko sa facebook. Lahat naman siguro tayo ay umaasa na kahit papaano’y mayroong maka-fling ngayong quarantine – makalandian kahit panandalian lamang.
Gabi noon, nang bigla na lamang may nag-pop na chat head sa screen ng aking cellphone. Bunsod ng hindi pamilyar na mukha sa larawan nito, dali-dali kong binuksan at binasa ang mensahe mula sa isang estranghero.
“Nakakabored nga, sobra. Same tayo,” paunang sambit niya.
Hindi ko lubos malaman ang gagawin o sasabihin sapagka’t halos 10 buwan na simula nang ako’y nakipag-usap ‘romantically’. Kaya naman, bago ko siya reply-an ay siniyasat ko muna ang kaniyang profile. Hindi ako ‘yong tipo na nagdarasal sa guwapo subalit aaminin ko, pasado ang kaniyang hitsura. Sa unang tingin, masasabi kong napakalinis niya sa katawan, ‘yong tipong naliligo pagkagising at bago matulog.
“Kumain ka na?,” ang tanging tugon sa aking isipan ng mga oras na iyon.
Nag-uumapaw ang kaligayan namin sa unang linggo ng aming paghuhuntahan, maging patungkol ito sa kdrama, anime o pag-aaral, parehas kasi kaming incoming Grade 12 student.
Siya nga pala, Elli ang pangalan niya.
Hindi ko inaasahang plant lover din siya, isa sa mga nakagugulat na sandali. Iyon ang nagtulak sa akin na manalangin sa Panginoon, “Lord, si Elli na ba talaga? Kasi kung hindi pa, umisip ka ng paraan para maging siya na,” makulit kong hiling.
Dumaan ang mga linggo at lumalago ang aming pagsasama, bukod sa pag-cha-chat ay nag-vi-video-call na rin kami. Nandiyan ang mga tagpo na dinidiligan niya ang mga halaman, sino ba naman ang makapagsasabing nakakakilig panoorin ang lalaking nagdidilig?
Subalit habang tumatagal ay nakararamdam ako ng panlalamig, hindi ko masyadong binigyang-pansin dahil baka nasanay lamang ako na lagi kaming magkausap. Ngayon, madalang na dahil busy raw siya at magsisimula na ang klase nila.
Lingid sa aking isipan ang tunay na rason ng kaniyang pag-iwas. Hindi ko lubos-akalain na ang platapormang dahilan ng aming pagtatagpo ay siya ring makapagbibigay sa akin ng kasagutan sa bagay na ito. “Best comeback pa rin ‘yung mag-comeback tayong dalawa,” laman ng isa sa mga shared posts niya. Hindi na ako nag-atubili pa, kailangan kong malaman kung may girlfriend ba siya dati, kaya ini-stalk ko siya at nalaman kong mayroon nga.
Nilakasan ko na ang aking loob at nagtanong, “Elli, ano ba tayo?.” Lumipas ang dalawang araw at wala akong natanggap na tugon na maging sa tawag ay hindi siya sumasagot. “Jana, sorry, nagbalikan na kami ng ex ko,” aniya matapos ang isang linggo.
Comments