Takot. Lungkot. Bangungot.
- SnowFlamingo
- Sep 28, 2020
- 11 min read
Updated: Sep 30, 2020
Tahimik ang buong paligid. Magulo ang kwarto. Lumuluha akong nakatayo sa isang upuang kahoy habang inaayos ang higpit ng pagkakabuhol ng puting kumot sa aking leeg.
“'Ma…Patawarin niyo po sana ako. Pagod na po ako… Hindi ko na kaya!”
Tila pinipigilan ang puso ko sa hirap at sakit nang sambitin ko ang mga katagang ito ngunit…
Gusto ko ng umalis sa bangungot na ito.
Gusto ko ng tumakas sa dilim ng kalungkutan na bumabalot sa puso ko.
Gusto ko ng makalaya sa takot na kumakain sa aking pagkatao.
Buong tapang at lakas kong sinipa ang upuan na aking tinutungtungan. Ito ay lumikha ng malakas na ingay na umalingawngaw sa buong kwarto. Unti-unti ko nang nararamdaman ang hirap ng paghinga, mas pinili ko na lang na ipikit ang aking mga mata at ngumiti nang pilit habang patuloy pa rin ang pagtulo ng luha.
Nang malapit na akong mawalan ng malay ay narinig ko ang napakalakas na sigaw ng aking pinakamamahal na ina.
“Diyos ko po! Ang anak ko!”
Napabalikwas ako bigla ng bangon, hinihingal at agad na napahawak sa aking dibdib, ang mapanaginipan kong muli ang kapangahasan na aking ginawa noon sa aking buhay. Tila parang baha na umanod sa aking isipan ang mga nangyari noon. Ang mga rason kung bakit ko ba iyon ginawa nang walang pag-aalinlangan.
“Celine, Grade 11 ka na, anak! Ano bang strand ang gusto mong ku'nin?,” masiglang tanong ni mama habang kumakain kami ng hapunan.
“STEM po, 'ma. Pangarap ko pong maging doktor. Gusto ko, ma, ako mismo ang gagamot sa iyo sa oras na magkasakit ka 'tsaka kapag doktor ka, magiging mayaman ka kasi marami kang perang makukuha. Hindi na tayo magiging illegal settlers. Hindi na natin kailangan umupa ng bahay. Kapag natupad ko na yung pangarap ko, mabibilhan na kita ng magandang bahay tapos hindi ka na mangungutang kay Aling Elen o sa kapitbahay natin ng pambayad sa ospital," seryosong sagot ko at isinubo ang kanin na may kasamang ulam na sardinas.
Nagpatuloy kami sa pagkain ngunit napansin kong natahimik si Mama. Nagtaka ako at dahan-dahang lumingon sa kan'ya. Hindi ko namalayan na tumutulo na ang kan'yang luha habang nakatingin sa akin. Agad akong tumayo sa upuan ko at niyakap siya.
“'Ma, bakit ka naman naiyak?”
“Anak, masaya lang ako dahil ako ang unang nasa isip mo. Salamat ha, maraming salamat dahil nagkaroon ako ng anak na katulad mo. Maganda na, napakabait pa. Hindi ko inaasahan na iyan pala ang pangarap mo,” lumuluha niyang sambit sa akin at niyakap ako nang mahigpit.
Bigla na lamang tumulo ang luha ko ngunit agad ko iyong pinahid. Ayokong makita ni Mama na umiiyak ako dahil ang bawat patak ng luha sa aking mata ay tila libo-libong punyal na tumutusok sa puso niya.
Humiwalay siya sa aking yakap at kinapitan ang aking dalawang balikat.
“Pero gusto ko Celine, sa pagiging doktor mo, ikaw ang magiging daan upang makamit din ng mga kapos sa buhay ang nararapat na kagalingan para sa kanila. Hindi lang ako ang gawin mong motibasyon. Nawa ay ikaw ang maging daan upang makamit ng mga mahihirap ang maayos na kalusugan at maging susi sa kagalingan ng kanilang mga sakit. Huwag mong paiiralin ang ganid sa pagkakaroon ng maraming pera, anak, bagkus ang paglilingkod sa iyong kapwa at ang mabuting kalooban dapat ang iyong itanim sa iyong puso’t isipan.”
Buong puso akong tumugon sa kanya, “Opo 'ma, magsisikap ako para sa inyo.”
“Mahal na mahal kita, anak. Lagi mo ‘yang tatandaan at huwag na huwag mong kalilimutan.”
Lumipas ang mga araw. Nakapag-enroll na ako sa Laguna Senior High School. Ang tanyag at kinikilalang paaralan sa buong Laguna kaya doon ako inirehistro ni mama.
Abala si mama sa paglalaba ng mga damit namin. Ako naman ay nasa sala at naglilinis ng aming bahay nang biglang tumunog ang kan'yang cellphone. Maayos at malinaw na naipaliwanag ng gurong tumawag ang iba’t ibang learning delivery modalities ngunit hindi ko inaasahan ang pipiliin ni Mama.
“Online Learning Modality na lang po, sir.”
“Sigurado po ba kayo diyan, nanay?”
“May cellphone naman po ang anak ko. Sa internet naman po, magpapa-load na lang po kami.”
Ibinaba ni Mama ang tawag at agad akong napakapit sa kan’yang braso.
“'Ma, bakit naman online pa? Sana modular na lang po 'yung pinili niyo.” Nag-aalalang tanong ko sa kan'ya. Labandera si Mama dito sa aming barangay, kung minsan naman ay nagbebenta siya ng gulay na inaangkat niya mula kay Aling Elen.
“Anak, alam ko kung ano ang maganda para sa'yo. Wala ka bang tiwala sa akin?”
“Pero 'ma, ayokong nahihirapan ka sa pagtratrabaho para lang dito. Titigil na lang muna ako.”
“Magtigil ka,Celine. Makinig ka na lang sa akin! Kapag modular, malaking abala pa iyon pagpunta sa Santa Cruz. Sa tingin ko naman ay mas matututo ka nang maayos sa online class. Makakasalamuha mo ang mga kaklase mo. Makakakilala ka ng iba’t ibang tao na posible mong maging kaibigan.”
Naiintindihan ko naman ang rason niya pero sa kabilang banda, natatakot ako sa mga posibleng mangyari sa aking pag-aaral, kung ako ba ay matututo sa maayos na paraan o ito lang ang magdadala sa akin ng kaguluhan.
Nababalot ng takot ang aking sarili. Natatakot akong hindi mabigyan ng konsiderasyon ang aking mga hiling sa aking mga guro, takot na walang kaklaseng tumulong sa akin na makaintindi, takot na ako ay mapag-iwanan dahil hindi naman ako ganoon katalinuhan ngunit pinili kong lumaban at lakasan ang aking loob na walang pagsubok ang hindi nalalampasan.
Limang linggo na ang nakararaan nang magsimula ang aming klase. Ang takot na dapat kong iwasan ay tila kinakain na ang aking sistema. Mas lalo lamang akong natulak maramdaman ang negatibong emosyon na ito nang mabasa ko ang mga pagpapalitan ng usapan sa aming group chat.
“Hoy, bakit ang bobo nung Celine? Ang dali-dali lang naman nung tanong ni ma’am,’di ba?”
“Oo nga, tapos lagi na lang siyang nahuhuli sa klase. Tapos ang dami pang liban. Kasalanan niya rin naman 'yon. Nag-online class pa, hindi naman pala kaya.”
“Hindi nga tumulong ‘yon sa group assignment na binigay ni ma'am. Buti nga sa kan'ya, walang grade. “
“Masyado pang feeling maganda… Like duhhhh, ghorl aanhin mo ‘yang pagpapaganda mo kung wala naman laman utak mo? So kadiri.”
“Tumigil na nga kayo! Sana iniisip niyo din yung sitwasyon ng tao.Wala naman kayong alam sa lahat ng nangyayari sa kanya.”
Hindi naman ako nagpapaganda, inaayos ko lang aking sarili kapag haharap sa kanila ngunit pinili kong magbulag-bulagan sa aking mga nabasa at inisip na lang na baka naman dinggin ulit ang aking paumanhin sa aking mga guro. Hinihiling na mabigyan pa ako ng kaunting oras para makapagpasa.
“Celine, pasensya na. Hindi ko na mapagbibigyan ang hinihiling mo. Hindi lang naman kasi ikaw ang dapat mapagbigyan. Hindi rin naman ako nagkulang sa iyo. Sana ay napag-isipang mabuti ang piniling desisyon ng iyong ina.”
Halos tatlong beses o dalawang beses lang ako makapasok sa sobrang bagal ng internet connection dito sa amin. Hindi na halos ako makakain sa pag-iintay na muling mabalik ang koneksyon at mabilisan ang paggawa sa mga takdang aralin na ibinibigay sa amin. Inaabot din ako ng mga araw na hindi na natutulog dahil natatambakan ako ng mga gawain. Hindi ko na inaaral ang mga ibinibigay sa amin na mga module, hinahanap ko na lang ang mga sagot. Nahihirapan na akong umintindi sa mga lessons. Naiiyak na lang ako sa galit sa aking sarili sa tuwing kahit anong aral ko ay hindi ko pa rin maintindihan. Sa mga nabasa ko sa group chat namin, nawalan ako ng lakas upang magtanong sa aking mga kaklase upang humingi ng tulong na makaintindi. Pinili kong manahimik at magpursigi pa rin sa pag-aaral.
“Anak, mag-a-alas-onse na nang gabi, kumain ka muna,” pakiusap ni Mama habang abala ako sa paggawa ng aming takdang-aralin. Nagsisimula pa lang ako sa pangalawa, may tatlo pa akong kailangang tapusin.
“Ayoko po, mama. Mamaya na lang po,” seryoso kong tugon habang tutok pa rin sa ginagawa.
“Pero anak, wala pang laman 'yung tiyan mo,” muling pakiusap ni mama.
Siguro ay dala ng pagod at inis, binigyan ko siya nang masamang tingin. Hindi ko alam kung anong nangyari sa akin subalit lumabas ang mga katagang hindi ko nais sabihin.
“Ano ba, 'ma? Sabi ko,bmamaya nga! Hindi ka ba nakakaintindi? Hirap na hirap na ko rito sa pinili mo! Sabi mo para sa ikabubuti ko, tingnan mo nga, mabuti 'ba to,ha?” galit na sabi ko.
Nagulat siya sa sinabi ko at agad na lumabas ng kwarto ko. Nabalik ako sa wisyo at unti-unting naalala ang mga sinabi ko sa kan'ya. Kinurot ko nang kinurot ang aking braso upang maibsan ang pagsisisi sa aking sarili. Pinilit kong tapusin ang ginagawa ko habang patuloy ang pag-agos ng luha ko.
Isang araw, nautusan ako ni mama na kuhanin ang sweldo niya sa paglalaba kay Aling Elen.
“Magandang araw po, Aling Elen!, ” masiglang bati ko sa kan’ya.
“Naku! Nakakaawa naman ang iyong ina, Celine. Lagi na lang bumibili sa akin ng dalawang skyflakes para sa tanghalian niya,” nag-aalalang sambit ni Aling Elen nang makita ako kasabay ng pag-abot ng kulay puting sobre.
Kahit na ang puso ko ay nabagabag sa aking narinig, magalang akong nagtanong pabalik.
“Kailan niya pa po ginagawa iyon?”
“Simula nang magsimula ang klase mo, Celine. Nagpapa-load na kasi siya agad sa akin. Humina rin ang benta ng gulay ngayon eh! Nabalitaan ko rin na kakaunti na ang nagpapalaba sa mama mo. May kumakalat kasing balita na mabaho pa ang nilab’han niya, “ malungkot na sambit ni Aling Elen.
Sa tanghalian, nagdadala ng maluto si Mama para sa tanghalian niya noon. Hindi ko matanggap na para lang maipambili ng load ang kanyang sweldo, nagtitiis siya sa ganoong paraan. Ang akala ko ay malaki na ang kita ni mama, 'yun pala ay hindi na siya kumakain.
Lakad-takbo akong umalis, dala-dala ang kan'yang ipinapakuha. Naabutan ko si mama na natutulog sa kama ko ngunit napansin ko na tila may malaking sisidlan ng polbo sa ilalim ng kama ko. Lalong nadurog ang aking puso nang mabasa ko na may nakasulat dito.
‘Para sa pangarap ni Celine.’
Agad kong tiningala si Mama. Payapa ang kan’yang mukha. Kailan ba ang huling araw na nakita ko siya ng ganito kalapit, na pagmasdan siya habang natutulog, nakapitan siya? Sa bawat araw, halos sa gabi na lang kami nagkikita ngunit sa sobrang kaabalahan ko, lagi na lang akong nagkukulong sa kwarto.
Simula nang masabihan ko siya ng gano'n, naging mailap sa akin si mama. Sa gabi ay hinahatidan niya ako ng pagkain at agad ko naman itong inuubos. Walang araw na hindi siya nagtrabaho, sa gabi lang ang pahinga niya.
Dahan-dahan kong hinaplos ang kan'yang maamong mukha ngunit 'di inaasahan na may pumatak sa kan'yang luha. Unti-unti siyang nagmulat at agad bumangon. Mabilis niyang nahawakan ang aking mukha at nag-aalalang nagsalita.
“Anak, bakit ka---“
Hindi ko na pinatapos ang sasabihin ni mama. Bigla ko na lang siyang mahigpit na niyakap at humagulhol sa kan'yang balikat.
“Mama, sorry po… Sana mapatawad mo ko sa mga sinabi ko. Hindi ko naman gustong sabihin ‘yon eh! Sorry! Sorry po talaga! Hindi ko sinasadya!” Madamdaming sambit ko.
“Anak, hindi mo kasalanan. Ako 'yung may kasalanan… Sana mapatawad mo ako sa desisyon ko. Gusto lang naman na ang iyong pag-aaral ay matutukan. Hindi ko inaasahan na mas lalo ka lang mahihirapan. Nakikita ko naman na nagpupursigi ka kahit nahihirapan ka na, pinipilit mo pa din kayanin.”
Nagbago ang pananaw ko sa online class simula noon. Hindi ko na iniisip na ito ay maling desisyon na pinili ni Mama para sa akin. Isa itong hamon na kailangan kong harapin at hindi dapat sukuan, dahil kahit si mama, para sa pag-aaral ko, patuloy pa rin lumalaban para lang mabigyan ako ng magandang kinabukasan.
Dumating ang araw ng preliminary exam namin. Kinakabahan ako, natatakot akong bumagsak. Matagal akong nag-aral para dito. Nagsumikap ako gabi-gabi na mapag-aralan ang mga module namin. Pinuno ko ang aking isipan ng motibasyon at determinasyon na matututunan ko ito ngunit hindi ko inaasahan ang makukuha ko.
23/50… Ako siguro ang pinakamababa sa aming magkaklase.
Napuno ng takot ang buong pagkatao ko. Anong sasabihin ko kay mama? Paano ko ipapakita na ganito lang 'yung nakuha ko? Anong sasabihin ng mga kaklase ko? Parang pinatunayan ko lang na isa talaga akong bobo.
Napuno ng lungkot ang puso ko. 'Yan na ba yung pinagsumikapan ko? 'Yan na ba ‘yong pinaglaanan ko ng oras gabi-gabi? ‘Yan na ba talaga ‘yon? Edi sana hindi na lang ako nag-aral.
Tila bangungot ang nangyayari sa akin ngayon. Gusto kong makatakas at umalis na lang. Gusto kong bumalik sa mga oras na hindi ko pa nasasagutan ang pagsusulit o kaya naman, patigilin ang oras para hindi na lang malaman ni mama. Wala akong mukhang maihaharap sa kan'ya. Wala na akong lakas ng loob na makisama pa sa mga kaklase ko at sa mga gurong pinakiusapan ko.
Wala kang kwentang anak!”
“Ang bobo mo!”
“Kung hindi ka na lang nabuhay, sana hindi nahihirapan 'yung mama mo.”
Bulong ng maliit na boses sa aking mga tainga. Napasabunot na lang ako sa aking buhok at mahigpit na niyakap ang aking sarili ngunit ang maliliit na boses na aking naririnig ay palakas nang palakas. Kung saan-saan na ako nagpunta sa loob ng aking kwarto ngunit ayaw pa rin tumigil nito.
Hindi ko na halos makilala ang aking sarili nang tumingin ako sa salamin. Magulo ang buhok ko. Puro pasa ang aking mga braso sa kakukurot ko sa aking sarili. Napapikit na lang ako dahil hindi ko na alam ang gagawin ngunit isang desisyon ang pinanindigan kong sundin.
“Magpakamatay ka na lang, matatapos na lahat ng paghihirap mo! Hindi mo na ipapahiya ang sarili mo sa ibang tao.”
Habang unti-unti akong nawawalan ng hininga. Bumalik sa aking alaala ang sulat na iiwan ko para kay Mama.
“Ma, mahal na mahal kita! Salamat dahil nagsumikap ka para mapalaki ako nang maayos kahit iniwan ka ni papa. Salamat dahil nagtiyaga ka para sa akin pero 'ma hindi mo kailangan ng anak na bobo at walang kwenta. Wala naman akong talentong maipakikita, siguro tama nga sila…. Husto lang ako sa pagpapaganda. Hindi mo kailangang pag-aksayahan ako ng oras. 'Ma, tama na. 'Ma, magpahinga ka na. Aalis na ako. Wala ka nang pag-aaralin kapag nawala na ako. Hindi ka na mahihirapan.”
Naramdaman ko ang mabilis na pagkalas ng buhol ng kumot sa aking leeg. Agad akong naghabol ng hininga at umubo nang umubo. Napakahigpit ng yakap sa akin ni Mama.
“Anak, ‘wag na ‘wag mo na ulit gagawin yon,ha! ‘Wag mong iiwan si mama. Hindi ko kaya, anak. Nagmamakaawa ako sa'yo. ‘Wag mo akong iiwan, anak. ‘Wag kang susuko. Lalaban tayo, ha! Kakayanin natin ito. May Diyos na tumutulong sa atin, anak. 'Wag kang mawawalan ng pag-asa, hindi niya tayo pababayaan,” naiiyak na sabi ni mama habang hawak ang aking dalawang pisngi at dinampian ng halik ang aking noo.
Ayon sa kwento ni mama, lingid sa kaalaman ko, si Aling Elen pala ay tiyahin ng aking guro. Sinabi niya ang sitwasyon namin ni mama. Noong araw na sinubukan kong kitilin ang aking buhay, iyon din pala ang araw na si mama ay pinapunta ng aming gurong- tagapangasiwa sa paaralan.
“Kayo po ba ang ina ni Celine?”
“Ako nga po. Magandang umaga po,Mam!”
“Magandang umaga rin po nanay, nalaman ko po lahat kay Tita Elen. Nagkaroon po ng pag-uusap ang klase namin at napag-usapan na kayo po ay tulungan. Akala ko po ay maayos na naiintindihan ni Celine ang aming mga tinuturo dahil hindi naman po siya nagtatanong sa amin. Dahil po pala iyon sa diskriminasyon na kan'yang natamo sa kan'yang mga kaklase. Ako na po ang humihingi ng paumanhin sa inyo. Ito po ang aming maliit na tulong para sa inyong pamilya,” magalang na sambit ng aking guro at inabot ang maliit na sobre sa kanya.
“Gusto ko lamang pong ipabatid sa inyo na sana po ay matulungan niyo si Celine na huwag mahiyang humingi ng tulong sa amin. Buong puso naman po kaming tutulong sa inyong anak,” dagdag pa niya at ngumiti sa aking ina.
“Maraming salamat po sa inyong lahat, at sa tulong na ipinagkaloob po ninyo sa amin, ma'am!”
Matapos ang maling desisyon na ginawa ko. Unti-unti nang lumiliwanag ang pananaw ko sa buhay. Bakit sumuko ako kaagad? Bakit hindi ko naisip na kahit kailan, hindi 'yan sumagi sa isipan ni mama? Kung tutuusin, mas mahirap ang kan'yang pinagdadaanan kesa sa akin. Bakit ako naging mahina? Bakit ko naisip na gawin iyon?
Nakalimutan ko ang pangaral ni mama, magdasal palagi. Nakalimutan ko na may Diyos na laging nandiyan para sa atin. May Diyos na makikinig at gagawa ng paraan para sa lahat. May Diyos na makapangyarihan na lahat tayo ay hindi pababayaan.
Naging makasarili ako sa paggawa ng desisyon. Iniisip ko na kaya ko na ang lahat. Iniisip ko na hindi ko kailangan ng tulong ng iba. Iniisip ko lang na mabigyan ng magandang buhay si Mama subalit hindi maganda ang paraan na aking ginawa. Mas pinili kong paghariin ang mga negatibo sa akin, sumuko na lang at ninais umalis sa mundong ito.
Nagsimula akong muli. Naging bukas ang aking pintuan para sa aking mga kaklase. Magaling pala ako sa larangan ng agham na hindi ko alam. Hindi na ako nahihiyang magtanong sa aking mga guro. Lahat pala kami ay nahihirapan ngunit talagang para sa pangarap, kahit na napakahirap, pipiliing lumaban. Nagtulungan kaming lahat upang mas lalo pa naming maunawaan ang mga lessons na binibigay sa amin araw-araw. Marami akong naging kaibigan. Naging makulay ang mundo ko nang hinayaan ko ang aking sariling makita ang tunay na liwanag na takot akong masilayan.
“Ako si Celine. Ang mga pangarap natin na tila mga bituin na nagniningning sa langit na parang imposibleng abutin at tila magandang tanawin na kay hirap marating, maniwala ka sa iyong sarili na ito ay iyong makakamtan. Patuloy tayong magsumikap at gawing sentro ng ating puso't isipan ang panginoon. Huwag kang susuko sa mga laban dahil walang pagsubok na hindi nalalampasan. Huwag natin takasan ang mga hamon, bagkus palakasin natin ang ating mga sarili sa pamamagitan ng ating motibasyon upang tayo dito ay makaahon. Padayon!”
Comments