Isang Pahina ng Panibagong Lunok-Batong Kabanata
- bagyo
- Sep 28, 2020
- 3 min read
Updated: Sep 30, 2020
Kung si Darna'y muling bubuhayin, paniguradong hindi siya magdadalawang-isip na sagipin ang lahat ng mga nangangailangan.
Nitong Huwebes, Agosto 13, sa kasagsagan ng pagtaas ng kaso ng COVID-19, mariing iginiit ni Education Secretary Leonor Briones ang pagsisimula ng S.Y. 2020-2021 sa Agosto 24 sa kabila ng samut-saring mga debate at kuwestyon kaugnay sa nasabing panukala. Maging ang mga senador, kabilang na si Chairman of the Senate Committee on Basic Education Sherwin Gatchalian, ay umaapila sa tila walang konsiderasyong pasya ng kagawaran, lalong-lalo na sa mga lugar na nasa ilalim pa rin ng MECQ.
Iminumungkahi ng Kagawaran ng Edukasyon na sa pamamagitan ng internet, tatawirin ng mga guro at mag-aaral ang daan patungo sa edukasyong hangarin ng lahat. Ngunit kaakibat nito ang napakaraming bagay na dapat isaalang-alang. Kung aalalahanin, ang bansang Pilipinas ay kabilang sa Developing Countries; hindi ganoon kaunlad upang humarap sa modernong paraan ng pagkatuto. Sa katunayan nga'y mas nalugmok ang bansa sa kahirapan, maraming mga mamamayan ang hindi pa rin lubusang nakaaahon sa dagok na patuloy pa ring idinudulot ng pandemya. Isa pa, ang Pilipinas ay isa ring bansang may mala-pagong na koneksyon o signal, na hanggang ngayo'y nanatili pa ring suliranin. At dahil dito ay mahirap silipin ang katagumpayan ng planong ito sapagkat sa una pa lamang ay malabo na.
Samantala, sa 23.2 milyong kabuoan ng mga mag-aaral na nakapagpalista sa darating na taong panuruan, isa si Jasmine Lim, mag-aaral sa ika-siyam na baitang, sa hindi sigurado. Kung dati na wala pang community quarantine, dahil sa pagtitinda ng puto ng kaniyang ama ay marahan na ang kanilang pag-ahon sa buhay, ngayo'y para na silang manok sa pakikibaka—isang kahig, isang tuka.
Kaugnay nito, ayon kay Jasmine, sa face-to-face pa nga lang raw ay nahihirapan na siyang intindihin ang mga aralin, paano pa raw kung sa online ito magaganap. Dagdag pa na wala silang kakayahang bimili ng cellphone upang magamit kung sakali. "Paano naman kami? Ang hirap ng sitwasyon," ani Jessa Lim, ina ni Jasmine.
Isa ang pamilya nila sa libu-libong mga Pilipinong nag-aalala sa magiging kalagayan ng mga estudyanteng sasailalim sa "bagong normal" na paraan ng pag-aaral. Napakalaki ng magiging epekto nito sa progresyon ng mga mag-aaral; sa mga mababagal at nahihirapang umintindi sa loob ng klase, sa mga pinagkaitan ng mga kagamitang angkop sa modernong pag-aaral, at sa mga may pangarap ngunit hindi pinagbibigyan ng pagkakataon. Mas lalo lamang lumiit ang kanilang pag-asa na umangat mula sa laylayan.
Kamakailan nga lamang ay naglabas ng video ang Vincentiments, isang kilalang page sa facebook, patungkol sa mga nakikinita nilang hinaing ng mga mag-aaral sa posibleng online classes. Umugong sa social media ang nasabing video, marami ang sumang-ayon ngunit marami rin ang naging taliwas dito. Laman kasi ng video ang isang manipuladong karakter ng estudyante na galit sa isang paraan ng pagtuturo ng mga guro.
Buwelta naman ng mga guro, "paano naman kami?" Bakit nga ba hindi man lang natapunan ng kaunting simpatya ang kalagayan ng mga itinuturing nating modernong bayani? Naging one-sided nga naman ang paningin sa kasalukuyang sitwasyon, na puro estudyante lamang ang kinokonsiderang mahihirapan. Tila nabalewala ang mga guro na kahit noong wala pang pandemya ay sobra-sobra na ang ibinibigay na tiyaga para sa kaunlaran ng bawat batang gustong matuto.
Minsan nang naging Darna ang mga guro nang magpuyat sila para aralin ang isang konseptong alam nilang kapag basta-basta lamang nila ibigay sa kanilang mga tinuturuan ay mahihirapan ang mga ito. Karamihan sa kanila'y may pamilya na, ngunit sa napakaraming pagkakataon ay inuuna nila ang mga batang uhaw sa kaalaman, nang sa gayo'y maunawaan nila ang mga bagay na nais nilang maging kinabukasan. Na kahit hindi sapat ang sahod na ibinibigay sa kanila'y labis pa rin ang dedikasyong iniaalay nila sa pagtuturo.
Hindi lang ikaw, hindi lang ako, lahat tayo'y pare-parehas na nangangapa sa kasalukuyang sitwasyon. Kaya't nararapat lamang na sa ganitong kalagayan, lahat ay magtulungan. Kung isa ka mang estudyante na katulad ni Jasmine, tulungan mong lunukin ang batong nilunok ni titser para sa'yo, mailigtas ka lang sa kamangmangan. Hawakan mo ang kaniyang kamay at sabay kayong sumigaw.
Maging mulat sa mga nangyayari, unahing isipin ang kabutihang panlahat, ang kapakanan ng nakararami sapagkat tayo ang magsisilbing Darna para sa ating mga sarili. Buhayin ang natatagong kabayanihan sa ating mga sariling kaparaanan upang maabot ang kaginhawaan. Maging mahirap man ang paglunok ng bato, ang pagtawid sa panibagong tulay ng pagkatuto, palaging tatandaan na sa katas ng sakripisyo pinakamasarap tikman ang tagumpay.
Comments