Takipsilim
- sab
- Feb 13, 2021
- 3 min read
Malimit na ang hangin ay nagdadala ng mga alaala. Sa mainit na panahong nahihirapan ka’y patuloy itong hinahanap upang makapagbigay ng kaunting ginhawang yakap. Sa malamig na panaho’y sumisipol ng himig ng pag-alala, tapos ay magtitimpla ka ng mainit na kape upang kumalma. Sa kung paanong minsa’y kailangan mo siya, minsan nama’y sumosobra. Sala sa init sala sa lamig kung baga.
“Okay ka lang?” Tanong mo sa’kin habang naglalakad tayo sa Luneta. Nakagawian na natin na dito pumunta upang makapagpahinga nang magkasama. Tambay sa Luneta, maglalakad-lakad, kakain at uupo sa mga bangko, pagkatapos ay ihahatid mo ako pauwi.
“Oo.” Sagot ko na sinabayan pa ng tango, ngunit hindi ka kumbinsido. Masyado mo akong kilala kaya’t alam mo na ang bawat ekspresyon na aking ipinapakita, maging ang mga ekspresyong gusto ko sanang ilihim pa.
“Gusto mo bang magpahinga muna?” May himig ng pag-unawa sa boses mo, at tila ba nauunawaan nating dalawa ang katagang iyong binitawan. “Oo sana.” Dinig ko ang buntong hininga mo kasabay ng pagkurba paibaba ng iyong mga labi. Agad tayong naupo sa bangko na nasisilungan ng malaking puno ng mangga. “Alam kong pagod ka na.” Hinawakan mo ang kamay ko at marahan itong hinaplos, “naiintindihan ko.” Bawat salitang nanggagaling sayo’y tila may iba pang kahulugan, mayroong ibang pahiwatig.
Dapit-hapon na at nasisilayan na ang unti-unting paglubog ng araw. Ang kulay ng langit ay magkahalong kahel at asul. “Alam kong may gusto kang sabihin.” Pinagmasdan kita ng taimtim nang banggitin mo ang katagang iyon. Marahan kong hinawakan ang pisngi mo at dinama ang mainit na pakiramdam na nagmumula rito. Pumikit ka at hinawakan ang kamay kong nasa pisngi mo, “alam ko,” turan mo.
May mga bagay talagang alam na natin ang magiging resulta ngunit sinusubukan pa rin natin, dahil umaasa tayong mayroong mangyayaring pagbabago. Gaya ng librong paulit-ulit mong binabasa dahil sa paghahangad ng panibagong wakas— sana.
“Okay lang. Kahit hindi. Okay lang, kasi du’n ka okay eh.” Mahina kang natawa sa sinabi mo, medyo magulo pero okay lang. Gaya nga ng sabi mo.
Mapait kang ngumiti, “gets ko na, kanina pa. Hindi ba’t ganito ‘yung kuwento mo?” Tumango ako, walang bago doon. Lahat yata ng detalye na sabihin ko sa’yo ay naaalala mo, maging ang maliliit na bagay na tungkol sa’kin ay alam mo.
Nang nakaraang buwan ay tinanong mo ako, “kung tatapusin mo ang relasyon natin. Paano?” Naglalakad tayo sa Luneta, magkahawak-kamay. Alam mong romantic at dramatic ako kaya siguro ganoon ang naging tanong mo, “gusto ko dito, gaya lang ng nakagawian, kasabay ng paglubog ng araw.” Bakit nga ba tungkol sa hiwalayan ang tanong mo? Hinampas kita sa braso at pinagsabihang huwag ganu’n ang ating pag-usapan.
Ngayon ko lang lubusang naunawaan ang tanong mo nu’ng araw na ‘yon. Kung gayon nga’y matagal mo nang alam.
“Puwede mo na akong bitawan.” Ngumiti ka sa akin saka mo pinagmasdan ang tuluyang pagtago ng araw. Nag-unahang pumatak ang luha ko habang pinipilit kong huwag baguhin ang matagal ko nang desisyon.
“Sorry.” Wala na akong ibang mahanap na salita kung hindi ang paghingi ng paumanhin. Kasabay ng paglubog ng araw ay babaunin ko ang bawat alaalang binuo natin sa loob ng dalawang taon. Kung paanong sa bawat paglubog nito’y nagsisilbing paalala na babalik ako sa’yo kapag ang sarili ko’y tanggap ko na, gaya ng buwan na hahalili at magbibigay ng liwanag anoman ang anyo nito’t hindi man buo. Gaya ng simoy ng hangin pagsapit ng alas-sais ng gabi, na yayakap sayo’t magpapaalala na bukas ay mayroong sasalubong na panibagong umaga.
Babalik ako. At sa pagkakataon na handa na akong muli para sa panibagong kabanata, nawa’y nandiyan ka pa rin upang buoin ang istorya.
Comments